Simula Prologo Santa Clara San Pascual Salambao Bagong Sigla Anyo Epilogo Iba pa PDF version Guestbook Yamagata Credits: Patnugot: R. delos Reyes HTML: E. de Guzman Larawan: J. Lozano |
Ang sayaw bilang isang ekspresyon ng damdamin ng isang tao ay nababatay sa kapaligiran at takbo ng panahon. Noong unang panahon, ang sayaw ng mga katutubong Pilipino ay isang paraan upang ang diyos ng kalikasan ay gisingin at pababain sa lupa. Sa himig ng kudyapi, pasyok at tambuli, ang mga katutubo ay pumapadyak-padyak at umiindak-indak habang umaali-aligid sa anitong sinasamba. Walang tiyak na galaw ang paa at kamay. ang mahalaga ay mailabas ang tinitibok at sinasabi ng damdamin. Nang dumating ang mga Kastila, ang mga musikang Pilipino ay binahiran ng himig Europeano. Ang mga katutubo ay binihisan ng baro't saya, tinuruang magdansa at magbalse at magsayaw ng pandanggo. Ang orihinal na bersiyon ng sayaw sa Obando ay sinasaliwan ng awiting, "Santa Clarang Pinung-pino." Sa tiyempong balse, ang mananayaw ay umiindak sabay ng kampay ng kamay, sabay ng indayog ng balakang. Ang ikinagaganda ng pagpapandanggo ay naaayon sa dami ng galaw ng balakang; ayon na rin sa mga matatanda, kumporme marami ang indayog ng balakang, lalong nagiging kawili-wili ang pagsasayaw at lalo ring naaalog ang sinapupunan upang pumasok ang ispiritu ng buhay. Sumunod ang impluwensiyang Amerikano. Unti-unting ipinakilala sa mga Pilipino ang kultura ng radyo at pelikula, ang "Cola-cola" at ang mga mahaharot na sayaw tulad ng "Charleston", "Foxtrot" at iba pa. Ang mga romerong mananayaw ay hindi lamang nagpapandanggo kundi nagsimulang umindak na rin ng "Charleston" sa saliw ng tugtog ng musikong bayan na natutong tumugtog ng mga mahaharot na musika. Ang Obando ay nagmistulang karnabal, isang bayluhan upang ipamalas ng bawat isa ang kanilang kakayahan sa pagsayaw. Ang mga romero ay nagkanya-kanya ng istilo - may makalumang pagpapandanggo, may makabagong nagpa-"foxtrot", nagrurumba at nagta-"tango". Ganito natin mapag-aalam kung papaano ang iba't-ibang impluwensiyang pangkultura mula sa labas ng bansa ay makaapekto sa anyo at takbo ng ating sariling tradisyon. Sa mismong tradisyong pagsasayaw upang magka-anak, lumalabas, base sa takbo ng panahon, na ang mahalaga ay hindi ang anyo ng pagsasayaw kundi ang intensiyon at ang personal na pakikilahok ng namamanata. Hanggang sa kasalukuyan, ang ganitong anyo ng pagsasayaw ay namamalas pa sa Obando. Sa pagitan ng pagpapandanggo sa Santa Clara ay may nasisingit na pailan-ilang tugtuging martsa, "chacha", paminsan-minsa'y "De Colores" at tugtuging pang-"disco", isang paraan marahil upang hindi panghinawaan ng mga romero ang pangdanggo. At di tulad noong araw na ang bayluhan ay ginaganap sa buong patyo ng simbahan ang sayaw sa Obando sa kasalukuyan ay isinasagawa sa loob ng prusisyon at pagtatapos sa paanan ng altar ng simbahan. Dahil dito, masasabi tuloy na ang nasabing tradisyon ay unti-unting nawawalan ng tunay na masiglang anyo (spontaneous form) at unti-unting napapalitan ng matitimping galaw (restrained movements) na hinihubog ng mga kautusan ng simbahan at lipunan. |