Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Bagong Sigla

[Ingles],[Kastila]

Simula
Prologo
Santa Clara
San Pascual
Salambao
Bagong Sigla
Anyo
Epilogo
Iba pa
PDF version
Guestbook

Yamagata

Credits:
Patnugot:
R. delos Reyes
HTML:
E. de Guzman
Larawan:
J. Lozano

Nagpatuloy ang pagsasayaw sa Obando hanggang sa huling parte ng panahon ng pamahalaang Amerikano.

Samantala, ang katanyagan ng pagsasayaw sa nasabing bayan ay nakarating sa maraming dako ng Pilipinas na maging ang bayaning si Gat. Jose Rizal ay nagbanggit ng ganitong tradisyon sa kanyang nobelang Noli Me Tangere.

Ang mga pangyayaring pulitikal sa Obando ay hindi rin nakaapekto sa taunang pagpapandanggo. Kahima't ang Obando at ang ilang magigiting na mamamayan rito na kasapi ng katipunan ay napasangkot sa paghihimagsik laban sa Kastila noong 1898, ang pagsasayaw ay isinagawa pa rin at ang mga romero ay patuloy na dumayo at makipagpintakasi sa nasabing bayan nang may tatlo hanggang ilang araw.

Nakalulugod isipin ang kagandahan ng tradisyong tuloy na isinasagawa sa Obando noong araw. Ang mga romero na karamihan ay nanggagaling sa iba't-ibang lalawigan na nakasakay sa mga bangka at kaskong may makukulay na palamuti at nakikituloy sa mga bahay at namamalagi roon hanggang sa matapos ang pista. Karaniwan, ang kabayaran ng pagtuloy, kasama na rito ang pagkain ay ang pagbili ng kandilang inilalako ng maybahay.

Wala na marahil maibibigay na isang maganda ang kongkretong halimbawa, maliban sa tradisyong tuloy ng Obando upang ipakita ang kagandahang loob (hospitality) ng mga Pilipino.

Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang simbahan at ang malaking parte ng kabayanan ay nasunog, kabilang na rito ang mga imahen ng tatlong patrong naka-dambana sa altar. Ang mga imahen na nakadambana sa kasalukuyan ay mga replica na nililok sa pamamagitan ng pagkukusa ng ilang pamilya at ilang kapatiran.

Ilang taon matapos ang digmaan, ipinag-utos din umano ng arsobispo ng Maynila at ng nanunungkulang kura-paroko ng Obando na ipagbawal ang pagsasayaw kung pista sa dahilang ang ganitong gawain ay walang ugat na Kristiyano. At sa madaling-sabi, isang ritwal na pagano.

Bagama't ang pag-uutos ay pinagdiinan at pinangatawanan ng klerigong local (local clergy), hindi napigil ng ilang romero na magpandanggo kung pista ng Obando. Ang iba naman ay patagong umiindak sa kalye habang nagdaraan ang prusisyon.

Ito ang panahon ng pagkitil sa isang magandang tradisyong umuugat sa kanunununuan ng bawat isang Pilipino.

Nang dumating ang taong 1972, nagkaroon ng bagong sigla ang bayan upang buhaying muli ang nahintong tradisyon. Sa pamamahala ng bagong kura-paroko, si Reb. P. Rome R. Fernandez at ng komisyong pangkalinangan ng Obando, ang mga mamamayan ng Obando ay nagsimulang magpandanggo; ang karamihan ay nagtatag ng kani-kanilang samahan at nagpagawa ng iba't-ibang uri ng damit Pilipino. Ang Obando ay gumising mula sa matagal na pagkahimlay.

Nagkaroon ng liwanag ang paligid. Nabuhay at nagkakulay ang prusisyon. Sumipot ang musikong bumbong; nagkantahan muli ang mga taong-bayan. Ang tatlong patron ay binihisan at inalayan ng walang hanggang sayawan.