Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Prologo

[Ingles],[Kastila]

Simula
Prologo
Santa Clara
San Pascual
Salambao
Bagong Sigla
Anyo
Epilogo
Iba pa
PDF version
Guestbook

Yamagata

Credits:
Patnugot:
R. delos Reyes
HTML:
E. de Guzman
Larawan:
J. Lozano

Ang Obando ay itinatag noong Mayo 14, 1753 at sinunod sa pangalan ng Gobernador-Heneral ng Pilipinas noong panahong iyon, si Don Jose Francisco de Obando y Solis. Ang kautusan tungkol sa pagkakatatag ng nasabing bayan ay isinakatuparan noong sumunod na taon, 1754.

Ang Obando ay isang nayon lamang ng Meykawayan noong ika-16 na siglo. Ang nayon ay tinawag na Catangalan, mula sa salitang tangal, isang uri ng puno na yumabong sa gawing latian ng nasabing lugar. Ang katas ng balat ng tangal ay ginagawang dampol sa kutod at lambat ng mga mangingisda.

Noong 1588, ang Catangalan ay idineklarang isang encomienda sa pamamahala ng isang katutubo, si Don Felipe Armanlangangui. Mayroong walong daang mamamamayan ang nakatira sa Catangalan; ang ikinabubuhay nila ay pangingisda at pagsasaka.

Dumating ang panahon nang si Don Felipe Armanlangangui ay mapiit at mapatapon sa labas ng Pilipinas sa salang pakikipagsabwatan sa mga morong taga-Borneo upang tutulan ang pamahalaang Kastila. Ang kanyang ari-arian ay hinati sa kaban ng haring Espanya at sa panggastos ng junta nacional.

Ang kaanyuang topograpiko ng Catangalan noong ika-16 siglo ay nahahati sa dalawang mahalagang bahagi: ang latian (swampland) na tinubuan ng mga punong tangal at ape-ape, at ang kagubatan at talahiban na ang sentro ay tinatayuan ng mga bahay ng ilang mamamayan. Sa kasalukuyan, ang kabuuan ng latian ay hinati-hati sa mga palaisdaan at kailugan. Ang parte ng kagubatan at talahiban naman ay nilinang at ginawang bukirin at tinamnan ng palay at ilang samut-saring ani.

Bagama't haka-haka lamang o walang konkretong impormasyong historikal na mapagbabatayan tungkol sa anyo ng kultura ng Obando noong bago dumating ang mga Kastila, ang mga taong Obando (Catangalan), tulad ng mga katutubong Pilipino ay may sinusunod na kaugalian na sumasaklaw sa kanilang buhay, kamatayan, pananampalataya at pamahalaan.

Para sa isang katutubong Pilipino, ang lahat ng antas (stages) ng buhay mula sa pagsilang hanggang sa pakikihamok sa digmaan, sa pagsasaka, sa pangingisda at maging sa pag-ibig.

Ang mga Pilipino noong araw ay nagdaraos ng isang Kasilonawan o ritwal na pinamumunuan ng isang katalonan (high priestess). Karaniwan ang ritwal ay tumatagal nang siyam na araw; ito ay kinapapalooban ng walang humpay na inuman, kantahan at sayawan. Ito ay ginagawa sa bahay ng datu o puno ng barangay.

Naging mahalaga para sa isang Pilipino ang kasaganaan (fertility) ng isang tao. Ang mga babaeng baog ay tinuturing na mababa ang antas at inaalipusta ng lipunan.

Dahil dito, naging mahalaga rin ang pagsasagawa ng ritwal upang ang mga babae ay hindi maging baog. Ang diyos ang tinawag na linga ay naging sentro ng kasilonawan. Ang mga unang Pilipino ay nagdiriwang upang ang kanilang buhay o tadhana ay mapasakamay sa lakas ng kalikasan.

Dumaan ang maraming taon. Ang Catangalan ay namalaging isang nayon bagama't ang Polo ay napahiwalay sa Meykawayan noong 1623.

Ang mga prayleng Pransiskano ay nagtatatg ng isang simbahan sa Polo. Sila ay nagtayo rin ng isang bisita sa Catangalan at dito idinambana si Santa Clara.

Samakatuwid, ang pinakamatandang patron ng Obando ay si Santa Clara.